Ang bawat OFW ay may kanya-kanyang dahilan ng pangingibang bansa . Kagaya ng mga dahilang nabanggit ko na sa aking nakaraang blog post. Bawat araw may mga pilipinong umaalis upang makipagsapalaran sa ibang bansa.
Akala ko dati, masuwerte ang lahat ng nakakapag-abroad. Na masaya magtrabaho sa ibang bansa kasi makakapamasyal ka sa magagandang lugar. Na madali lang kumita ng malaki kapag nasa abroad ka.
Kaya nga minsan sa aking buhay, kinainggitan ko ang mga pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa. At hinangad ko rin talaga ang makarating sa ibang bansa katulad nila.
Kalaunan nga nabigyan ako ng opportunity na makapag-abroad. At mahigit limang taon na nga ako dito sa Kuwait.
Ngunit malaki ang pagkakaiba ng noon at ngayon. Noon pinangarap kong makapag-abroad dahil gusto ko.
Ngayon nag-abroad ako hindi dahil pangarap ko o dahil kagustuhan ko. Nag-abroad ako kasi ina ako at hinihingi ng pagkakataon upang mabuhay ko ang mga anak ko.
Dahil nga labag sa aking kalooban ang pag-alis, ni hindi ko man lang napaghandaan ang mga problemang sasalubong sa akin sa ibang bansa.
Paglapag pa lang ng eroplano sa Kuwait, parang gusto ko ng sumakay ulit ng eroplano pabalik sa Pilipinas.
Nung nasa abroad na ako homesick ang pinakamabigat kong kalaban. Kaya ko ang bigat ng trabaho, kaya kong pagtiisan ang ugali ng amo ko pero kapag homesick ang umatake, tiyak walang katapusan ang aking pag-iyak.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko ng ginustong umuwi na lang. Makailang beses din na nabanggit ko ang mga salitang "ayuko na", "pagod na ako", at "hirap na hirap na ako."
May time pa nga nawala ako sa aking katinuan, sa dami ng problema at malayo sa pamilya gusto ko ng magpatiwakal na lang. Buti na lang si Lord tinapik ako, pinaalala niyang may mga anak akong naghihintay sa pagbabalik ko sa Pilipinas.
Marahil sadyang matibay lang ang loob ko kasi nakasurvive ako sa mahigit limang taon ko dito sa Kuwait.
Pero hindi naman lahat katulad ko na pinipilit lumaban sa kabila ng lahat. May iilan na tuluyang sumuko at namaalam.
Bago ka mag-abroad itanong mo muna sa sarili mo kung ...
- Kakayanin mo ba ang mawalay sa pamilya mo?
- Kakayanin mo ba ang lahat ng pagdadaanan mo sa ibang bansa mula umpisa hanggang dulo?
- Kakayanin mo bang maging matatag sa lahat ng problemang haharapin mo sa ibang bansa?
- Kakayanin mo bang mabuhay mag-isa at sarili lang ang puwedeng asahan?
Kung hindi ka sigurado sa sagot mo, wag ka ng tumuloy, dahil baka hindi mo kayanin ang mamuhay sa abroad, malamang sa hindi umuwi ka lang at masayang ang perang gagastusin mo.
Oo nga at hindi mo naman malalaman kung kakayanin mo kung hindi mo susubukan. Pero mas maigi kung habang di ka pa nakakaalis, timbangin mo ang mga bagay-bagay.
Kapag nag-abroad ka, para ka na ring sumugal, sakripisyo ang iyong puhunan, at kinabukasan ng iyong pamilya ang nakataya.
Kaya bago ka mag-abroad isipin mo muna ng ilang daang beses.
Mag-ipon ka muna ng lakas at tibay ng loob.
At kapag nandoon ka na sa iyong bansang tutuluyan MAGPAKATATAG KA KABAYAN!
Tama mahirap mag abroad
ReplyDelete