FOR NEW UPDATES, SUBSCRIBE TO US VIA EMAIL

Enter your email address:


Liham ng isang nanay na OFW para sa kanyang mga anak (Based on my own experience)

Sinasabi sa bibliya na ang pagiging isang ina ay napakahalagang tungkulin na ibinigay ng Diyos sa maraming kababaihan.


Bata-anak-ng-ofw

Iniuutos sa kristiyanong ina na mahalin niya ang kanyang mga anak (Titus 2:4-5) upang hindi siya maging dahilan ng katitisuran sa kanyang mga anak at maging dahilan sa paglaban nila sa Panginoon at sa tagapagligtas at masira ang kanilang pangalang dinadala bilang mga kristiyano.
Sinasabi din ng bibliya na yaong pinagpapala ng Panginoon para maging ina ay dapat gawin ang kanyang katungkulan ng buong kahusayan.

Sa inyong paglaki mga anak ko, nawa ay mabasa niyo ito o di kaya ay mapanuod at nawa ay maintindihan kung bakit kinailangan ni nanay na kayo ay pansamantalang iwan, dahil ako ay inyong ina, tungkulin kong kayo ay mahalin at bigyan ng magandang kinabukasan.



Dear aking mga anak,


Nanay...
Kung ay inyong tawagin
Maiksing salita ngunit malalim ang
 ibig sabihin 
Musika sa aking pandinig o kay sarap dinggin



Si nanay ang tinatawag kapag kayo ay nasasaktan o nahihirapan
Si nanay din ang nahahabag kapag kayo ay may sakit o dinaramdam
Si nanay na halos hindi na makapagsuklay
o makapag-ayos man lang 
Dahil abala sa pag-aasikaso ng inyong mga kailangan
at sa mga gawaing bahay



Naisip ko tuloy kapag nanay ka na pala
Nagtratransform ka sa pagiging wonderwoman 
o kaya ay si Darna
Sa isang iglap instant super-hero ka na



Kung si Darna ang source of power niya ay bato
Si nanay naman sa inyo nanggagaling ang kapangyarihan ko 



Kapangyarihang maging malakas at matapang 
Sasabak sa kahit anong digmaan
Kahit maging sino pa ang kalaban
Basta para sainyo susuungin kahit na anong kapahamakan



Ngunit si Darna ay may kahinaan din
Maging si nanay ay ganun rin
Kayo ang aking kalakasan
Kayo din ang aking kahinaan



Hindi ko kayang maatim na kayo ay nag-uulam ng tubig at asin
At tuwing nagkakasakit
Kahit kanino kumakapit
Madalas nga sa albularyo lumalapit



Hindi kayo maibili ni nanay ng mga bagong damit
Kaya mga pinaglumaan ng mga pinsan ang sa inyo ay pinapagamit
At kapag gatas ay naubos
Tubig at asukal muna pagkat tayo ay kapos



Tuwing pasko o b-day lamang kung kayo magkaroong ng bagong damit at laruan 
Buti na lang may regalo si ninong at si ninang
Si nanay kasi hindi ipinanganak na mayaman 
Kaya hindi kayo kayang tustusan



Mahirap nga talaga ang maging mahirap
Ngunit mas mahirap kasi isa akong magulang
Kung ako lang di bale na lang
Ngunit bakit pati kayo nadadamay sa buhay na salat



Kaya si nanay nagdesisyong mangibang bayan
Nakipagsapalaran kahit hindi alam ang kahahantungan
Hiningi ng pagkakataon na pansamantala kayo ay iwan
Upang maibigay sa inyo ang buhay na maayos at maalwan



Hindi naging madali ang buhay ni nanay bilang OFW        
Maraming pagsubok na halos gusto akong igupo
Idagdag pa ang lungkot sa aking puso
Dahil tayo ay nasa magkabilang panig ng mundo



Isa..dalawa..tatlo..apat..lima
Limang taon na pala
Limang taon na ang lumipas 
Simula ng huli ko kayong mayakap



Limang taon na ang nagdaan
Ilang pasko, kaarawan,bagong taon at anu pa mang okasyon
Masaya sana kung si nanay ay nandoon
Kasama niyong nagdiriwang taon-taon



Ang bigat sa dibdib ni nanay na hindi ko kayo kasama
Lagi ako nag-iisip at sa inyo nag-aalala
Kung kumakain b akayo ng maayos at husto
Kung malusog ba kayo at inaalagaan ng wasto



Patawarin niyo si nanay
Sa lahat ng pagkukulang ko
Sa lahat ng pagkakamali ko
Sa lahat ng mga panahong si nanay ang kailangan niyo
Sa lahat ng pagkakataong hiniling niyo na sana si nanay ang nag-aalaga sa inyo



Sa bawat pagtatapos sa paaralan 
Sana ay may nanay na aakyat sa entablado upang medalya ay isabit
At tuwing kayo ay nagkakasakit
Sana mayroong nanay na magpupuyat upang kayo ay bantayan



Darating ang araw na kayo ay magtatanong kung bakit
Huwag sana kayo kay nanay maghinanakit
Huwag din sana dumating ang araw na si nanay ay inyong sumbatan
Kung bakit madilim ang inyong tahanan at wala ang nagsisilbing ilaw



Ngunit dapat ko na sigurong ihanda ang aking 
Sa unti-unting paglayo ng loob niyo sa akin
Ang mga magagandang ala-ala na binuo natin
Ay unti-unting mabubura at maglalaho rin



Ganun pa man nakahanda si nanay tanggapin
Kahit na anong sakit handa akong harapin
Darating din ang sandali na tayo ay magkakasama rin
At maipapadama sa inyo uli pagmamahal at paglalambing



Habang ang sandaling yun di pa dumarating
Nawa ay tandaan niyo at palaging iisipin
Si nanay ay nagtitiis dito kahit malayo sa inyong piling
Dahil pangarap kong balang kayo ay may marating



Abutin man ako ng ilan pang taon dito sa gitnang silangan
Hanggat kaya pa ng aking katawan
Patuloy akong magsisikap
Huwag ko lang kayong makitang naghihirap



Kasi nanay ako
Nanay niyo ako
Handa ako magsakripisyo
Kasi mahal na mahal ko kayo




Nagmamahal,

Nanay












2 comments:

Back to Top