FOR NEW UPDATES, SUBSCRIBE TO US VIA EMAIL

Enter your email address:


Mag Aabroad si Nanay!


Madilim pa sa labas ng ako ay bumangon ng araw na yun. Ang totoo,  hindi ako nakatulog sa nagdaang gabi. Buong  gabing gising ang  aking diwa at magdamag na umiyak. Marahil walang  salita ang maaaring maglarawan sa bigat ng  nararamdaman ko. Paano ba naman kasi, ngayon na ang araw ng aking pag-alis papuntang Kuwait.


Ina-anak



Mamayang alas 3 na ng hapon ang flight ko. Nakaempake na ang lahat ng dadalhin ko. Nakahanda na ang lahat maliban sa akin. Sa totoo lang kasi labag sa kalooban ko ang umalis at iwanan ang mga anak ko. Subalit hinihingi ng pagkakataon  na gawin ko ito..



Sa mismong kwarto ding yun ay naroon ang dalawang anak ko na mahimbing pang natutulog sa mga oras na yun. Gusto ko silang pagmasdan ng matagal dahil yun na ang huling sandali na makikita ko sila sa ganoong edad. Matagal din akong mawawala at sa pagbalik ko'y tiyak na malalaki na sila.

Naaawa ako sa kanila sapagkat sa  murang gulang nila  na 3 at 1 taon ay kailangan ko silang iwan. Ang hirap isipin  na sa mga susunod na taon ay hindi ko sila makakasama. At ang mas higit na nakakalungkot  ay walang inang aakay sa kanila habang sila ay lumalaki.

Tssk!... Umiiyak na naman ako e. Ano ba namang luha to, ayaw paawat ! Sa dami ng iniiyak ko kagabi ay kung bakit hindi pa rin maubos ubos ang luha ko. Mamaya lang gigising na ang mga anak ko at tiyak na magtatanong ang mga yun pag nakitang mugto ang mga mata ko.

Ilang saglit pa nga ay magkasunod ng gumising ang mga bata. Katatapos ko lang din maghanda ng almusal ng bumangon sila. Siyempre espesyal ang inihanda kong almusal ng umagang yun.. sinangag at tocino. Isa kasi sa paborito nila ang tocino at marami silang nakakain kapag ganoon ang ulam.

"Nanay bakit po may malaking bag diyan? Saan kayo punta?" ang tanong ng panganay ko na pupungas pungas pa. Simula pa kahapon ay makailang ulit niya ng itinanung yun.

"Di po ba nasabi ko na sa inyo na magwowork si nanay sa malayo at doon muna titira pansamantala" ang paulit ulit ko ring sagot sa kanya.

"E sino na po nanay namin? wala kami nanay pag umalis ka... at tsaka.. wala mag-alaga sa amin" tanong ulit niya.

"Pag umalis ka galit na ako sayo nanay!...Di mo na po kami lab?" hindi pa man ako nakakasagot sa unang tinuran ng anak ko ay may kasunod na naman siyang tanong.

"Ganito yun nak, kaya aalis si nanay kasi love na love ko kayo. Gusto kasi ni nanay makapag-aral kayo, maibili kayo ng masasarap na pagkain at mapadalhan kayo ng maraming laruan"  yun lang ang kaya kong sabihin sa kanila dahil hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa kanila  na maiintindihan ng kanilang murang isipan.

"Talaga nanay? Bibigyan mo po kami ng madaming..madaming..madaming laruan? ang natutuwang saad ng aking panganay na anak na may kasama pang palakpak.  "O sige na po alis ka na pero balik ka din po agad ha!" dagdag pa nito

Napangiti na lamang ako sa tinuran ng aking anak. Akala ko pa naman ay mauuwi sa mahabang paliwanagan ang pag-uusap naming yun ng panganay ko. Halos paiyak na naman nga sana ako e pero dahil ang bata ay bata, ng dahil sa pangakong laruan, ayun napapayag din agad.

Pagkatapos naming kumain ay magkasabay ko ng pinaliguan  ang mga anak ko. Pansamantala hinayaan ko  silang magbabad sa tubig. Habang binabantayan ko sila ay nahulog na naman ako sa malalim na pag-iisip.

Mamimiss ko ang mga sandaling katulad nito. Ang mga sandaling abot kamay ko lang sila. Yung nahahawakan ko sila.. nayayakap at nahahagkan anumang sandali ko naisin.  

Ano ba to, hindi pa man ako umaalis, namimiss ko na agad sila.

What more pa kaya ang mararamdaman  ko kapag nasa Kuwait na ako? Gaano karaming luha kaya ang iluluha ko kapag nandoon na ako? Kaya ko ba talaga? Parang nanghihina ako sa gagawin kong pag-iwan sa mga batang ito na wala pang kamuwang-muwang sa totoong sitwasyon naming mag-iina. Huwag na kaya ako tumuloy...pero kasi...

"Nanay, bakit ka po umiiyak?" tanong ng aking panganay na pumutol sa aking pag-iisip

Dali dali akong tumalikod at mabilis na nagpahid ng luha. At mula sa aking likuran ay may mumunting mga kamay na biglang yumapos sa akin.

" Nay, bat itaw iyak? yaw to iyak ka" ang utal-utal na sambit ng aking bunso habang marahan na pinupunasan ang natirang luha sa aking pisngi.

Sa ginawang yun ng aking bunso, di ko na napigilan ang mga luha kong kanina pa gustong bumulalas. Tuluyan na nga akong napahagulhol ng iyak at kasabay noon ay niyakap ko ng mahigpit ang dalawang munting anghel na nasa aking harapan.

" Mga anak, love na love kayo ni nanay ha. Tandaan niyo palagi yun ha. Pag-alis ni nanay pakabait kayo dito ha. I-love niyo lagi ang isa't isa ha at lagi kayo magtutulungan. Pagbalik ni nanay dito di na tayo magkakahiwalay ulit" ang madamdamin kong litanya habang sisigok sigok sa pag-iyak.


Mag-ina-yakap


Pagdating ng alas 9 ng umaga, inihabilin ko na ang mga anak ko sa aking kapatid. Siya kasi ang pag-iiwanan ko sa mga bata. Pagkahatid ko sa kanila ay minabuti kong maligo na at maghanda para sa pag-alis. Kailangan ko kasi umalis ng maaga dahil baka ma-traffic sa daan.

At sumapit na nga ang oras na kailangan ko ng magpaalam. Hindi sasama ang mga bata sa paghatid sa akin sa airport. Minabuti kong huwag na lang silang isama hindi dahil baka bumaha ng luha sa airport  bagkus dahil nakakasiguro akong aatras ako kapag makita ko silang umiiyak habang pasakay ng eroplano.

Bitbit ang isang malaking maleta ay tinungo ko na ang sasakyan na inarkila ko para maghatid sa akin sa airport.  Bago pumasok sa sasakyan ay nilingon ko muna ang bahay ng kapatid ko kung saan naroon ang mga anak ko. Nagbabakasakali na masulyapan ko sila bago tuluyang umandar ang sasakyan.

Mula sa malayo nakita ko ang panganay ko na masayang nakikipaglaro sa ibang mga bata. Gusto ko sana siyang tawagin at yakapin sa huling pagkakataon ngunit pinigilan ko ang aking sarili na gawin yun dahil di ba nga at yun naman talaga ang gusto ko, ang hindi nila mamalayan ang pag-alis ko.

Huminga ako ng malalim at sumakay na ng sasakyan. At habang daan, samut- saring isipin ang tumatakbo sa utak ko. Puno ng pag-aalinlangan at pangamba ang dibdib ko..ang daming  katanungan sa isip ko  na nag-uumpisa sa tanong na paano kung..

Paano kung hindi sila maalagaan katulad ng pag-aalaga ko? Paano kung hindi sila pagtiyagaang pakainin dahil mapili sa pagkain ang mga ito? Paano kung magkasakit sila, maaalagaan kaya sila ng husto? Paano kung magalit sila sa akin pag napagtanto nilang umalis ako ng hindi nagpapaalam sa kanila? Paano kung maghinanakit sila sa akin katulad ng napapanuod ko sa TV? At higit sa lahat paano kung makalimutan na nila ako?

Napabuntung hininga ako ng malalim. 'Hindi lahat mangyayari ang iniisip ko. Hindi yun hahayaan ni Lord' ang naibulong ko sa aking sarili.

Pasado alas 10 na ng umaga ng kami ay makarating sa airport. At sa ganap na alas 3 ng hapon ay tuluyan na ngang lumipad ang eroplanong maghahatid sa akin sa bansang pupuntahan ko.

Hindi ko sukat akalain na mangyayari sa akin ang ganito, na mawawalay ako sa mga anak ko. 

Kanina sa Airport, pakiramdam ko may kung anong mabigat na bagay ang nakapatong sa mga paa ko at bahagya ko ng maihakbang ang mga ito. Tila ba ay ayaw ng mga paa ko ang direksyong tinatahak ko patungo sa sasakyang panghimpapawid na maghahatid sa akin sa Kuwait.

'NANAY'..sigaw ng isang maliit na tinig. Parang tinig ng.. ng.. anak ko!

Huminto ako at mabilis na hinanap ang kinaroroonan ng tinig. Ngunit nanlumo ako bigla ng napagtanto kong guni guni ko lang pala ang boses na narinig ko.

Gusto kong batukan ang sarili ko at pagalitan ' Ano, ngayon ka pa aatras kung kailan nandiyan ka na? At kapag umatras ka anong mangyayari sa inyo ng mga anak mo? Matitiis mo bang maghirap sila? Magkakasama nga kayo pero kumakalam naman mga sikmura niyo? Ayan na o, ilang hakbang na lang matutupad mo na ang pangarap mong magandang buhay para sa kanila' 

Sa isiping yun ay nagpatuloy na ako sa paglalakad. Tama! Kailangan kong magpakatatag para sa mga anak ko. Ang pangarap ko lang ay matustusan ang ang pag-aaral nila ng hindi sila matulad sa akin na walang makuhang regular na trabaho sa Pilipinas dahil hindi nakapagtapos. Kaya LABAN lang...

Isa lang ako sa napakaraming nanay na OFW na umaalis ng bansa. Sa airport,  ibat ibang eksena ng mag-iina ang iyong masasaksihan, mga madamdaming pag-papaalamanan at walang katapusang iyakan. 

Ngunit sa puso ng bawat inang umaalis ng bansa ay naroon ang iisang hangarin, ang mabigyan ng mas maalwan na buhay ang mga anak na naiwan.

Na sana.. SANA sa susunod na pag-apak ng aming mga paa sa paliparang yun, bitbit ang katuparan ng aming mga pangarap..

Nawa ay yun na sana ang maging huli. At nang sa ganun ay hindi na namin kailangang mangibang bansa ulit at iwan ang mga anak naming wala pang kamuwang muwang.



No comments:

Back to Top