FOR NEW UPDATES, SUBSCRIBE TO US VIA EMAIL

Enter your email address:


Ang "SAKRIPISYO" ni Lolita na OFW


"Mahirap kasi ang buhay sa atin lalo na kung ipinanganak kang mahirap. Kahit anong sipag mo kung hindi ka nakapagtapos, hindi ka makakapasok sa trabahong mataas ang sahod. At least dito sa abroad, kahit alila lang ako malaki naman ang sweldo ko kompara sa kinikita ko dati sa pinas" ayon ito kay ate lolita

Katulong-amo-nagwawalis


Si ate Lolita ay nakilala ko sa D-Fit gym (Isa itong sensory gym sa Kuwait para sa mga bata na may espesyal na pangangailangan) na kasalukuyang pinapasukan kong trabaho dito sa Kuwait. Sa tuwing may therapy session ang kanyang inaalagaang bata  sa  gym, madalas na siya ang kasama nito. 


Ayon sa kanya 18 years na siyang nangingibang-bansa at sa gulang niyang 58, wala siyang asawa o di kaya ay mga anak. Ang biro pa nga niya ay ni minsan hindi siya nakatikim ng "luto ng Diyos" Noong unang nakita ko si ate Lolita, sa wari ko ay nakita ko ang aking ina, hindi sila nagkakalayo ng edad at magkatulad ang kanilang mukha na maamo at laging nakatawa. 

Tuwing nakikita ko si ate Lolita hindi ko maiwasang isipin kung paano niya kinakaya ang bigat ng trabaho ng pagiging kasambahay. Lalo pa't napag-alaman kong bukod sa batang may Autism na dinadala niya sa gym ay aniya  siya din ang nag-aalaga sa tatlo pang anak ng kanyang amo at tumutulong din sa iba pang gawain.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang hirap na pinagdadaanan ng mga 'domestic helpers' sa ibang bansa partikular na sa mga bansa sa gitnang silangan at isa na dito ang Kuwait kung saan kasalukuyang nangangamuhan si ate Lolita. Hindi ba at kamakailan lamang ay naging sentro ng kontrobersiya ang Kuwait dahil sa sunod-sunod na balita ng pagmamaltrato sa mga kasambahay dito. 

Mabalik tayo kay ate Lolita, nagkaroon ako ng isang pagkakataong makakuwentuhan  siya ng matagal, sabik din siyang may makakuwentuhan, siguro dahil nag-iisa siyang pilipino sa bahay ng amo niya ayon sa kanya. 

Masayahin si ate Lolita, kahit sa gitna ng pagkukwento niya ng pagkamatay ng kanyang mga magulang ay nakangiti pa rin siya. Marahil ikinukubli lang ng kanyang mga ngiti ang pait ng kanyang nararamdaman. 

Hanggang sa puntong naitanong ko sa kanya kung bakit hindi pa siya nagreretiro sa pag-aabroad. Hindi ko sinasabing hindi na siya puwede magtrabaho, ang sa akin lamang ay may edad na  si ate Lolita  at hindi ba dapat ay siya naman ang alagaan o pagsilbihan.


"Gustong-gusto ko naman talagang mag for good na sa pinas, sa tagal ko ba namang nag-aabroad, pagod na din ako, hindi na nga ako nakapag-asawa dahil sa pagtulong ko sa magulang ko at mga kapatid ko, kaso wala naman ako uuwian na, patay na ang mga magulang ko, ang mga kapatid ko  may mga sarili ng pamilya.  sagot ni ate Lolita


Nabanggit ni ate Lolita na panganay siya sa pitong magkakapatid. Siya ang nag-iisang babae sa magkakapatid. Siya ay tubong Bulacan at galing sa hindi mariwasang pamilya. Ang kuwento niya noong nabubuhay pa ang kanyang mga magulang, pagtitinda ng binatog ang pinagkukuhanan nilang kabuhayan.

Ayon pa sa kanya pagka-graduate niya ng High School, dala ng responsibilidad bilang panganay ay namasukan siyang katulong sa maynila. Mula noon, pangangatulong lang  daw ang naging hanap-buhay niya sa Pilipinas.

Hanggang sa nagdesisyon siyang mangibang bansa sa paglalayon na kumita ng mas malaking pera ng sa gayon ay matustusan ang kanyang mga kapatid na nooy mga nagsisipag-aral pa. 

Kagaya ng ibang nakararaming OFWs,  si ate Lolita ay nabaon din sa utang nung umalis sa Pilipinas. Dagdag pa nga niya, maging ang kapirasong lupa na kinatitirikan ng kanilang maliit na bahay ay ginawa nilang kolateral sa malaking halagang inutang nila matuloy lamang ang kanyang pagpunta sa ibang bansa.

Bata pa raw siya noon ay madalas ng sabihin sa kanya ng tatay niya na dapat lagi niyang unahin ang kapakanan ng kanyang mga nakababatang kapatid. Kaya naman pinilit niyang gampanan ang responsibilidad sa mga kapatid bilang panganay.

Subalit ang responsibilidad na nakaatang sa kanya ay mas lalong bumigat ng mamatay ang kanyang mga magulang. Mula noon siya na ang tumayong ama't ina sa kanyang anim na kapatid. Ani pa nya, hindi niya na napagtuunan ng pansin ang kanyang sariling kaligayahan dahil naging abala siya sa pagtataguyod sa kanyang pamilya.

Marami ng bansang napuntahan si ate Lolita, sosyal diba? Yun nga lang hindi para mamasyal kundi para mamasukang kasambahay.

Aircraft-travelling


" Unang bansang napuntahan ko Saudi, 2 taon lang ako doon kasi matapang yung amo ko, nananakit kapag nagagalit,  hindi na ako bumalik pag bakasyon ko, sumunod naman sa Oman, katulong din, 3 yrs naman ako doon, tapos sumunod sa Hongkong, 5 taon ako nagkatulong doon, malaki sana sahod ko doon kaso nag migrate na yung mga amo ko sa Amerika kaya pinauwi na lang ako Pilipinas, At ito nga ang pang-huli, Kuwait, dito nako nagtagal, 8 years ako pabalik-balik dito pero iba-iba ang mga naging employer ko, awa ng Diyos mababait naman mga naging amo ko" ang kwento ni ate Lolita sa akin


Nang sandaling kinukwento niya ang mga bansang napuntahan niya at kung gaano na siya katagal nangingibang-bansa, ipinalagay ko na marami na siyang ipon at marami na siyang naipundar. Ngunit agad din niyang itinama ang aking palagay.


"Sa 18 taon kong pabalik-balik sa ibang bansa, wala akong naipundar para sa sarili ko, wala akong sariling bahay, walang negosyo at walang ipon, inuna ko kasi sila, lahat pinadadala ko, kaya nga ngayon ang gusto kong pag ipunan nalang ay ang pagpapalibing sakin pag ako ay namatay para di naman ako maging pabigat sa kanila "  ayon kay ate lolita

Sa puntong yun, nakaramdam ako ng magkahalong awa at paghanga sa matandang babaeng kausap ko. 'Awa' dahil nababanaag ko sa kanyang mga mata ang pagod at lungkot sa mahabang panahon niyang pag-papaalipin bilang kasambahay sa ibat-ibang mga lahi. Sa kabilang banda nag-uumapaw ang aking 'paghanga' sa kanyang pagsasakripisyo sa sariling kaligayahan mapabuti lamang ang kalagayan ng pamilya.

Ayon kay ate Lolita, walang maayos na trabaho ang kanyang mga kapatid. Kaya hanggang ngayon sa kanya pa rin umaasa ang mga ito sa pagpapaaral sa kanyang mga pamangkin at pati na sa ibang gastusin. 



"Pinag-aral ko naman ang mga yun, kaya lang di naman nagpursiging makatapos, ang 2 nahinto kasi napabarkada, yung 3 naman  nakabuntis kaya nagsipag-asawa na at ang isa ay nakakulong kasi nag-adik at ayun nakapatay. Kaya parang... wala naman napuntahan ang 18 years na pag-aabroad ko" ang paglalahad ni ate Lolita

Nang marinig ko yun gusto kong mainis sa kanyang mga kapatid na hindi man lang sinuklian at pinahalagahan ang mga sakripisyo na ginawa niya. Nahahabag ako sa kanyang sitwasyon, at tila ba ay gusto ko siyang yakapin at ipabatid na napakabuti ng kanyang puso.

Naputol ang aming pag-uusap ng araw na yun ng pumalahaw ng iyak ang  alagang bata ni ate Lolita. Kinarga niya ito pero imbes na tumigil sa pag-iyak ang bata ay lalo pa itong nagalit at pinaghahampas ang kawawang matanda.

Nahalata kong mahina na ang katawan ni ate Lolita, hirap na siyang magbuhat ng bata at ilang beses siyang nabuwal sa walang tigil na paghampas ng batang nag-aamok.

Nakaalis na si ate Lolita ng araw na yun ngunit hindi mawaglit sa isip ko ang kwento ng buhay niya. Ang dami ko pa sana gustong itanong sa kanya katulad ng...

Hanggang kailan kaya siya sa abroad? 
Hanggang kailan  siya magpapaalipin at maging sunod-sunuran sa ibang lahi para lang kumita ng pera? 
Hanggang kailan siya magsasakripisyo para sa mga kapatid niya na hindi marunong magpahalaga sa perang pinadadala niya?

Sa kuwento ni ate Lolita ako ay may aral na natutunan, na ang tunay na sakripisyo ay walang hinihintay na kapalit, hindi naghahangad na masuklian bagkus itoy isang kabayanihang maituturing, isasantabi ang pansariling kaligayahan para sa ikabubuti ng kanilang mga mahal sa buhay. 

Ikaw hanggang saan ang kaya mong isakripisyo para sa pamilya mo?






No comments:

Back to Top